Lunes, Hunyo 15, 2020

PAGNINILAY SA ILANG MGA BAGAY

Halos limang buwan na rin pala mula nu'ng huli akong magpaskil sa mumunting espasyong ito. At iyong huli pa'y isa lamang pangangailangan sa sinalihang patimpalak. Pasensya na, mandi'y inaatake kasi lagi ng "katamaran" at kung anu-anong pagpapaliban o higit na mas malala; ng mismong buhay.

Hanggang sa hindi na nga magawa pang bigyan kahit kaunting panahon ang pagsusulat dito. Ngunit hindi naman talaga 'ko huminto sa pagsusulat. Sa kapirasong papel, likod ng notebook, talaan sa selpon o kompyuter kaya. 

Sa katunayan, may mga ilan akong naisulat na binigyan ng pagkilala, parangal o inilimbag/ililimbag ng ilang mga publikasyong pinagpasahan, patimpalak na sinalihan nitong mga panahon ng lockdown o bago pa man magkaruon ng pandemya. Halimbawa, ang huling ipinaskil ko sa blog na ito'y nanalo ng unang karangalan sa Saranggola Blog Awards (nito lamang ika-12 ng Hunyo), hindi ko ito inaasahan. Ngunit ang epekto nito, para maikintal sa aking isip na sa kabila ng lahat ay kaya ko naman palang patunayan ang sarili'y malaking bagay para sa akin. Hindi na masama, para sa isang ika nga'y pagsisimula. 

Labis-labis ang pasasalamat ko sa ilang mga kaibigan, mambabasa't guro na nagtitiwala/naniniwala sa aking kakayahan. Hindi ko alam kung karapat-dapat ba ako sa kanilang mga komplimento. Sapat na sa akin ang magkaruon ng kakaunting mga mambabasa kumpara sa marami. Pagkat hindi ko nais isalba ang mundo, nais ko lamang magsalba ng mga maaaring isalbang buhay sa kalupitan ng pag-iral. 

Ang masabihang "hinihintay/inaabangan ko ang iyong koleksyon," o di kaya'y "masugid mo akong mambabasa," ay isang papuring hindi ko pa rin kayang tanggapin, dahil nangangamba pa rin akong baka hindi ko mapangatawanan. Anu't anoma'y nakaliligayang marinig ang mga ito para sa isang kagaya kong nagsusulat-sulat lamang.

Gayunpaman, ayaw ko pa ring isiping "manunulat" o "makata" na nga ako dahil lamang sa mga balidasyong ito. Kahangalan ang mga ganuong bagay, pagkat ika nga ni Rene Villanueva, "Mismong ang lugod ng pagkatha ang biyaya ng panulat." 

Anumang pagkilala o parangal ay bonus na lamang. 

Sa ngayo'y gusto ko lamang simulan muli ang aking mga pangarap, nang dahan-dahan: makapagbasa, makapagsulat nang hindi lamang dahil sa pinipilit o binubuyo ng sarili bagkus sa mga panahong inuudyukan ng hiraya. Natuto na ako sa aral ng aking nakaraan. Hindi ko na hahayaan pang mapunta na naman sa kawalan ang lahat. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ipinagkaloob sa akin ng buhay. Nandito na ako sa UP, ibibigay ko na'ng lahat ng natitira sa'kin, lahat ng kaya kong ibigay. 

paalala:

Hindi karera ang buhay, huwag magmadali, mahibang at ilagay sa ulo ang mga nakakakamit na papuri. Tuldok ka lamang, hindi ka pa nakakarating sa inaasam mong dulo o hangganan kaya. Hindi ka [rin naman] makakarating duon. Iyon ang aral ng pagkatha. Ang punto'y ang proseso ng paglalakbay, di kailanman ang pupuntahan. Lagi't lagi mo sana itong tandaan. 

Iisa lamang ang iyong buhay. Lubhang maiksi ito para sa mga pagsisisi't panghihinayang. Nangyari na'ng lahat ng nangyari. Ngunit huwag kalimutang maisasalba mo pa ang sarili, kung pahihintulutan mo lamang ito. Huwag maging makasarili't hambog kagaya ng ibang mga "manunulat" o taong malaki ang pag-ibig sa sarili. Isa kang alabok na balang araw ay magiging bahagi rin ng lupa. Muli, tandaan: tuldok ka lamang.

Maging maligaya para sa mga bagay na naipakita mong kaya mong magtagumpay, kahit pa ito'y mga maliit na bagay lamang. Iyon naman ang higit na mahalaga para sa atin, ang mga maliliit na bagay. 

*tapik sa balikat*

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento