Biyernes, Enero 24, 2020

Sa Simula at Wakas; O Kung Paano Mag-umpisa sa Pamamaalam (Apat na Tula)


maaari

nating umpisahan
ang lahat sa
pinakamaliliit na bagay.
halimbawa:
sa payak na pag-unawa
na may kanya-kanyang
krus na pasan,
ang bawat taong
makakasalamuha sa
daan.

hindi ito madali,
ngunit dito lamang
natin mauunawaan ang
esensiyal na sikreto;
pagdamay.





simulain

i.
hindi madaling
manatili, bumalik
sa ubod ng sarili.

lalo na, kapag
kay layo na
ng mga paa sa
pinagsibulang ugat.

ii.
sa likod ng bawat
tagumpay,
taimtim na
naghihintay ang
pinanggalingan;
tanawin mo ako.


  


wakas

kambal ng bawat simula,
ang sariling hangganan.

tulad ng panibagong taon:
pagbubukas ng mga posibilidad
na iglap ding naglalaho,
kagaya ng mga naudlot
na pangako sa sarili.

nananahan ang kaligtasan
sa pagwawakas ng
paglimot; pag-alala.

dahil kailanma'y di papanig
sa’tin ang panahon,
kung wala tayong ni isang natutunan,
sa kasaysayan ng sariling nakaraan.



alpas

imahinaryo lamang
ang linyang namamagitan
sa simpatya’t pakikisangkot.

sa pagputol dito,
umiigpaw tayo,
umaalpas sa nakaugaliang
akto ng pakikialam.

bayanihang hindi nakaasa,
sa dami ng balidasyon
sa birtuwal na espasyo o
sariling interes.

bagkus likas,
tapat, walang kondisyon

tunay lamang ang ligaya
kapag naibabahagi.

---

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11, (www.sba.ph. )






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento