Matagal na naging laman ng mga usapan sa Baryo Milagroso ang araw ng kapanganakan ni Alunsina, anak ng mag-asawang sina Mang Gusting at Aling Perla. Ang sabi ng kumadronang si Aling Sining, sa halip na ulo ay mga paa ang unang lumabas sa bata. Nang tapikin niya na ito sa puwitan, sa halip na umiyak ay nagpakawala ito ng impit na hagikgik. At nangyari ang hindi maipaliwanag. May yakap-yakap na kung ano’ng maliwanag, nakasisilaw na bagay ang sanggol. Nang ibukas niya ang mga maliliit nitong braso, kitang-kita ng kanyang dalawang mata ang isang puting-puting estatwa sa imahen ng isang babae: nakangiti, halos kasinglaki lamang ng kanyang kamao. Walang pagsidlan ang ligaya ng mag-asawang Gusting at Perla. Alunsina ang ngalan na ibinigay nila sa anak. Binigyan din nila ng ngalan ang nagniningning na estatwa: Lilia. Iyon ang unang himala sa Baryo Milagroso.
Nang araw ding iyon, tone-toneladang isda at lamang dagat ang nahuli ng mga mangingisdang taga-baryo sa kabila ng malakas na ulan. Duon nag-umpisa ang mga haka-haka na dulot ito ng milagrosong sanggol ng mag-asawang Gusting at Perla. Nuong una, hindi ito pinansin ng mag-asawa. Lalo na si Gusting, sapagkat hindi siya madaling maniwala sa mga himala. Ngunit nang minsan niyang subukan na hawakan ang estatwa’t humiling ng masaganang ani sa kanyang mga tanim na prutas, kinabukasan ay tumambad sa kaniya ang mga nangalaglag na bunga ng mangga, niyog, rambutan, bayabas, papaya, duhat, lansones at iba pang prutas na ang karamihan ay hindi naman nila tanim. Nang lapitan ni Gusting ang estatwa na nuo’y nasa tabi ni Alunsina, napansin niyang bahagya itong lumaki sa orihinal nitong sukat. Napaayos nila ang kanilang mumunting tahanan at nakapagpundar ng negosyong babuyan bunsod ng himalang iyon.
Mabilis kumalat ang balita sa buong Baryo Milagroso. Nagulat na lamang ang mag-asawa na halos araw-araw ay may dumadalaw sa kanilang tahanan upang makahingi ng milagro sa kanilang estatwang anak. Iba-iba ang kanilang mga kahilingan. Humiling ang isang matanda upang pagalingin ang bulag niyang anak. Isang dampi lamang ng bata sa estatwa, wala pang ilang minuto’y nanumbalik sa itim ang kulay ng mga mata nitong nakukulapulan ng abuhing ulap. Humiling ang isang tagabukid ng pagkapanalo sa lotto. Kinabukasan, nabalitaan ng mga taga-baryo ang pag-aalsa balutan nito para makatira sa maginhawang lugar. Humiling ang isang matandang dalaga ng pagkakaruon ng asawa. Ilang araw lamang ay pinadalhan silang mag-asawa ng imbitasyon sa kaniyang kasal. Humiling ang isang ina na mailigtas sa malubhang karamdaman ang kaniyang anak. Bumilang lamang din ang ilang araw at ang mismong anak na hindi kababakasan ng pagkakasakit ang dumalaw sa kanila upang magpasalamat. Humiling ang isang pulitikong taga siyudad na manalo siya sa darating na eleksyon. Bago ito umalis ay isang sobre ang inabot niya sa mag-asawa, kasabay nang pagpitik ng lente sa kamera ng kaniyang mga alalay sa kanilang magkahawak na kamay. Nabalitaan nila sa radyo ang pagkapanalo ng pulitiko.
Walang anumang hinihinging kapalit sina Mang Gusting at Aling Perla sa mga deboto ni Lilia. Liban sa mga donasyon na kusang ibinibigay ng ilan. Sa pagdaan ng mga taon, patuloy ang pagdagsa ng mga humihiling. Patuloy ang paglaki ni Lilia. Hanggang sa halos kasinglaki na siya ng puno ng niyog! Kinailangan siyang ilabas sa kanilang bahay at pagtulungang buhatin ng mga kalalakihan sa baryo. Ipinagawa nila ng malaking puting kumot si Lilia na siyang itinatakip sa kanyang katawan sa tuwing mainit o di kaya’y malamig ang panahon. Ikinalungkot ito ni Alunsina na laging katabi sa pagtulog ang kapatid. Napansin ng mag-asawa na nagbago ang ekspresyon ng mukha ng estatwa. Mula sa dating nakangiti’y tila malungkot na ito. Naging palaasa ang buong Baryo Milagroso kay Lilia. Wala nang nangingisda, wala nang nagtatanim, wala nang nagtatrabaho. Lahat ng gawain, maski sa sa simpleng paglilinis ng bahay ay iniaasa na lamang sa estatwa.
Isang araw, laking gulat ng lahat nang hindi na natutupad ang kanilang mga hiling. Labis itong ikinabahala ng mag-asawa. Imbis na maging daan upang manumbalik sa dating gawain ang mga taga baryo, isinisi nila sa estatwa ang hindi pagkakatupad ng kanilang mga kahilingan. Napagkasunduan nilang sirain ang estatwa. Labag ito sa kalooban ng mag-asawa, ngunit wala silang magawa. Dumating ang takdang araw ng pagsira kay Lilia. Walang tigil ang iyak ni Alunsina habang pinapanuod ang kapatid. Ngunit bago pa man lumapat sa estatwa ang martilyo ng mga taga baryo, bigla itong gumalaw, sumigaw nang pagkalakas-lakas.
“AAAAHHHHHHHHH!!!!”
Dumilim ang langit. Bumuhos ang malakas na ulan. Nagsitumbahan ang mga puno ng niyog. Nagtakbuhan ang lahat sa kanilang mga kabahayan bunga ng takot. Nanatili ang mag-asawa, kasama si Alunsina sa kabila ng peligro. “Patawarin mo kami, inabuso namin ang iyong kabaitan,” wika ni Aling Perla habang yumuyugyog ang balikat. Biglang niyakap ni Alunsina ang estatwa. Duon bahagyang sumilip mula sa pagkakatakip sa kumot si Lilia, punong luha ang puting-puting mukha.
“Hindi laging himala ang kasagutan sa lahat.Tandaan mo iyang lagi, Alunsina,” nakangiting wika ni Lilia bago siya tuluyang tumakbo patungo sa dalampasigan hanggang sa kailaliman ng karagatan, hanggang sa hindi na siya makita ninuman, kailanman.
Mula nuon, wala nang naganap na himala sa Baryo Milagroso. Ngunit unti-unti, natutunan ng mga tao na tulungan, patawarin ang isa’t isa. Higit, matuto sa pagkakamali ng isa’t isa. Ang lahat ng bagay na nais nilang makamtan ay sama-sama nilang pinagsumikapang makamit, kahit sa pinakamaliit na paraan ng kolektibong pangingisda, pagtatanim at pagkukumpuni ng mga bahay na nasira ng bagyo.
“Isang magandang simula,” nakangiting bulong ni Alunsina sa sarili, abala sa pamumulot ng mga kabibe sa dalampasigan isang maaliwas na hapon, habang naghihintay sa pagbabalik mula sa pangingisda ng kanyang Tatay Gusting. Maya-maya dumagsa na ang mga tagabaryong kumakaway sa papalapit na papalapit na imahe ng mga bangkang punong-puno ng biyaya ng dagat: mga sariwang huling isda.
***
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12



Walang komento:
Mag-post ng isang Komento