Sabado, Nobyembre 5, 2022

Baryo Milagroso

    Matagal na naging laman ng mga usapan sa Baryo Milagroso ang araw ng kapanganakan ni Alunsina, anak ng mag-asawang sina Mang Gusting at Aling Perla. Ang sabi ng kumadronang si Aling Sining, sa halip na ulo ay mga paa ang unang lumabas sa bata. Nang tapikin niya na ito sa puwitan, sa halip na umiyak ay nagpakawala ito ng impit na hagikgik. At nangyari ang hindi maipaliwanag. May yakap-yakap na kung ano’ng maliwanag, nakasisilaw na bagay ang sanggol. Nang ibukas niya ang mga maliliit nitong braso, kitang-kita ng kanyang dalawang mata ang isang puting-puting estatwa sa imahen ng isang babae: nakangiti, halos kasinglaki lamang ng kanyang kamao. Walang pagsidlan ang ligaya ng mag-asawang Gusting at Perla. Alunsina ang ngalan na ibinigay nila sa anak. Binigyan din nila ng ngalan ang nagniningning na estatwa: Lilia. Iyon ang unang himala sa Baryo Milagroso. 

    Nang araw ding iyon, tone-toneladang isda at lamang dagat ang nahuli ng mga mangingisdang taga-baryo sa kabila ng malakas na ulan. Duon nag-umpisa ang mga haka-haka na dulot ito ng milagrosong sanggol ng mag-asawang Gusting at Perla. Nuong una, hindi ito pinansin ng mag-asawa. Lalo na si Gusting, sapagkat hindi siya madaling maniwala sa mga himala. Ngunit nang minsan niyang subukan na hawakan ang estatwa’t humiling ng masaganang ani sa kanyang mga tanim na prutas, kinabukasan ay tumambad sa kaniya ang mga nangalaglag na bunga ng mangga, niyog, rambutan, bayabas, papaya, duhat, lansones at iba pang prutas na ang karamihan ay hindi naman nila tanim. Nang lapitan ni Gusting ang estatwa na nuo’y nasa tabi ni Alunsina, napansin niyang bahagya itong lumaki sa orihinal nitong sukat. Napaayos nila ang kanilang mumunting tahanan at nakapagpundar ng negosyong babuyan bunsod ng himalang iyon. 


    Mabilis kumalat ang balita sa buong Baryo Milagroso. Nagulat na lamang ang mag-asawa na halos araw-araw ay may dumadalaw sa kanilang tahanan upang makahingi ng milagro sa kanilang estatwang anak. Iba-iba ang kanilang mga kahilingan. Humiling ang isang matanda upang pagalingin ang bulag niyang anak. Isang dampi lamang ng bata sa estatwa, wala pang ilang minuto’y nanumbalik sa itim ang kulay ng mga mata nitong nakukulapulan ng abuhing ulap. Humiling ang isang tagabukid ng pagkapanalo sa lotto. Kinabukasan, nabalitaan ng mga taga-baryo ang pag-aalsa balutan nito para makatira sa maginhawang lugar. Humiling ang isang matandang dalaga ng pagkakaruon ng asawa. Ilang araw lamang ay pinadalhan silang mag-asawa ng imbitasyon sa kaniyang kasal. Humiling ang isang ina na mailigtas sa malubhang karamdaman ang kaniyang anak. Bumilang lamang din ang ilang araw at ang mismong anak na hindi kababakasan ng pagkakasakit ang dumalaw sa kanila upang magpasalamat. Humiling ang isang pulitikong taga siyudad na manalo siya sa darating na eleksyon. Bago ito umalis ay isang sobre ang inabot niya sa mag-asawa, kasabay nang pagpitik ng lente sa kamera ng kaniyang mga alalay sa kanilang magkahawak na kamay. Nabalitaan nila sa radyo ang pagkapanalo ng pulitiko.


    Walang anumang hinihinging kapalit sina Mang Gusting at Aling Perla sa mga deboto ni Lilia. Liban sa mga donasyon na kusang ibinibigay ng ilan. Sa pagdaan ng mga taon, patuloy ang pagdagsa ng mga humihiling. Patuloy ang paglaki ni Lilia. Hanggang sa halos kasinglaki na siya ng puno ng niyog! Kinailangan siyang ilabas sa kanilang bahay at pagtulungang buhatin ng mga kalalakihan sa baryo. Ipinagawa nila ng malaking puting kumot si Lilia na siyang itinatakip sa kanyang katawan sa tuwing mainit o di kaya’y malamig ang panahon. Ikinalungkot ito ni Alunsina na laging katabi sa pagtulog ang kapatid. Napansin ng mag-asawa na nagbago ang ekspresyon ng mukha ng estatwa. Mula sa dating nakangiti’y tila malungkot na ito. Naging palaasa ang buong Baryo Milagroso kay Lilia. Wala nang nangingisda, wala nang nagtatanim, wala nang nagtatrabaho. Lahat ng gawain, maski sa sa simpleng paglilinis ng bahay ay iniaasa na lamang sa estatwa. 


    Isang araw, laking gulat ng lahat nang hindi na natutupad ang kanilang mga hiling. Labis itong ikinabahala ng mag-asawa. Imbis na maging daan upang manumbalik sa dating gawain ang mga taga baryo, isinisi nila sa estatwa ang hindi pagkakatupad ng kanilang mga kahilingan. Napagkasunduan nilang sirain ang estatwa. Labag ito sa kalooban ng mag-asawa, ngunit wala silang magawa. Dumating ang takdang araw ng pagsira kay Lilia. Walang tigil ang iyak ni Alunsina habang pinapanuod ang kapatid. Ngunit bago pa man lumapat sa estatwa ang martilyo ng mga taga baryo, bigla itong gumalaw, sumigaw nang pagkalakas-lakas.


    “AAAAHHHHHHHHH!!!!” 


    Dumilim ang langit. Bumuhos ang malakas na ulan. Nagsitumbahan ang mga puno ng niyog. Nagtakbuhan ang lahat sa kanilang mga kabahayan bunga ng takot. Nanatili ang mag-asawa, kasama si Alunsina sa kabila ng peligro. “Patawarin mo kami, inabuso namin ang iyong kabaitan,” wika ni Aling Perla habang yumuyugyog ang balikat. Biglang niyakap ni Alunsina ang estatwa. Duon bahagyang sumilip mula sa pagkakatakip sa kumot si Lilia, punong luha ang puting-puting mukha. 


    “Hindi laging himala ang kasagutan sa lahat.Tandaan mo iyang lagi, Alunsina,” nakangiting wika ni Lilia bago siya tuluyang tumakbo patungo sa dalampasigan hanggang sa kailaliman ng karagatan, hanggang sa hindi na siya makita ninuman, kailanman. 


    Mula nuon, wala nang naganap na himala sa Baryo Milagroso. Ngunit unti-unti, natutunan ng mga tao na tulungan, patawarin ang isa’t isa. Higit, matuto sa pagkakamali ng isa’t isa. Ang lahat ng bagay na nais nilang makamtan ay sama-sama nilang pinagsumikapang makamit, kahit sa pinakamaliit na paraan ng kolektibong pangingisda, pagtatanim at pagkukumpuni ng mga bahay na nasira ng bagyo. 


    “Isang magandang simula,” nakangiting bulong ni Alunsina sa sarili, abala sa pamumulot ng mga kabibe sa dalampasigan isang maaliwas na hapon, habang naghihintay sa pagbabalik mula sa pangingisda ng kanyang Tatay Gusting. Maya-maya dumagsa na ang mga tagabaryong kumakaway sa papalapit na papalapit na imahe ng mga bangkang punong-puno ng biyaya ng dagat: mga sariwang huling isda. 


***

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12





GOD BLESS

     WALA pang limang minuto simula nang bumuhos ang ulan ngunit sumisilip na sa kuwarto ni Gege ang nangingitim na tubig. Tila tipaklong siyang lumundag mula sa pagkakahiga sa kama. Maliksing pinag-aangat ang mga extension, cat food (para mga alagang pusakal ng nakatatanda niyang kapatid), marumihang damit, electric fan, mga basahan sa paa, ukulele ng bunso at sari-sari pang mga bagay na maaaring tangayin ng tubig baha. 

    Tiyempong umalis ang nanay niya patungong baranggay para asikasuhin ang subsidy na matatanggap ng kanyang lola. Malamang ay magpahupa muna ng ulan iyon, sa isip-isip niya. Pero ang mga kapatid niya, hayun at naruon lang sa katapat na bahay/tindahan ng kanyang tiya Lidya: nagbabantay, nakatambay.

    “Nambuburaot na naman,” usal ni Gege sa sarili. Kapag kasi nagbabantay sa tindahan ang mga ito, binibigyan sila ng kanyang salasa (sala sa init, sala sa lamig) na tiyahin mula sa itinitinda nitong ulam. At siyempre, nakakakupit rin ang mga kapalmuks – sa sarili niyang tawag – sa pagbabantay ng tindahan. 

    Ang panganay na si Evangeline, isang semestre na lang sana’t matatapos na sa pag-aaral. Kung kailan pa nagkaruon ng kamag-anak na tutulong, saka pa inabutan ng epidemyang Covid. Tatlong taon itong huminto ng kolehiyo dahil sa hindi na kinakaya ng kanilang mga magulang ang pangtustos. Pano’y pinilit kasi nito na mag-aral sa pribadong paaralan. Pansamantalang pumasok bilang sekretarya sa kalapit na simbahan para makapag-ipon pero nilustay ang kinikita sa pagbili ng mga lipstick, make-up at iba pang hindi naman kailangan sa buhay. Sa pagpapa-load sa mamahaling selpon (na inabonohan pa ni Gege ang downpaymentpara makapanuod ng mga paborito niyang koreanovela kung saan nakikitanghod rin ang bunsong kapatid, animo’y mga kinikiliting unggoy sa pagtawa habang nakatutok sa panunuod.

    Nitong mga nakaraan, sige ang sama nito sa kanyang boss sa simbahan para mag-overnight sa pagtatrabaho. Kahit na peligroso’y pinatos pa rin. Malaman-laman lang niya’y wala palang bayad iyon dahil volunteer work pala ang tinrabaho niya. Nag-iiyak nang umuwi. Dala-dala ang pakonsuwelong bigas at de lata ng kanyang matandang dalagang amo. Pamalit sa limang araw na pagpupuyat. Natawa na lang si Gege. Ilang beses na kasi niya itong sinabihan na maghanap na ng matinong trabaho pero ayaw pa rin bitawan ang pinapasukan. Gaan na gaan kasi ang pakiramdam nito sa tuwing sinasama ng amo sa mga outreach program. Lalo na sa tuwing ang mga tinutulungan nila ay yung mga naging biktima ng kalamidad, karahasan at maging ng mga naulilang pamilya dahil sa agarang pagkamatay ng mga durugistang magulang. Ngunit hindi mismo sa pagtira ng nasabing ipinagbabawal na gamot. Kundi sa malawakang operasyon ng kapulisan at gobyerno laban sa illegal na droga: oplan tokhang. Nakakaawa raw, lalo na ang mga naiwang anak na sumususo pa sa kanilang mga nanay. Minsang naikuwento nito nang umuwi. Mayruon pa nga raw isang bata na kasama mismo ang kanyang mga magulang bago ito paulanan ng mga bala ng mga pulis. Masuwerte’t daplis lamang sa binti ang inabot. Maluha-luhang kuwento ni Evangeline. Duon mag-uumpisa ang pagtatalak nito: 

    “Bakit kasi sa lahat ng p’edeng pagkakitaan, shabu pa’ng napiling pasukin, ayan tuloy kawawa’ng mga anak!” 

    Sasagutin naman ito ni Gege: 

    “Itinatanong mo rin ba sa sarili mo, sa tuwing kinakausap mo yung mga naulila ng mga sinasabi mong kriminal kung bakit kailangang patayin sila sa halip na bigyan ng nararapat na proseso?” 

    “Kasalanan nila ‘yun!” pabalang na sagot ni Evangeline.

    “Akala mo ata, sureball ka nang mapupunta sa langit?!”, singhal ni Gege. 

    “Asta kang good samaritan, pero pagdating sa bahay, bigat na bigat ang katawan mo! Ultimo panty niyo, hindi niyo malab’han, inaasa niyo pa rin sa nanay!”  

    Minsan, nagpang-abot silang dalawa ni Gege nang pauyam niya itong tanungin kung tinutubuan na ba ng talaba ang kanyang puke dahil sa magdamag na pagkakahiga. 


    “Pasalamat ka hindi ako nakadakma ng kutsilyo HA! Kundi papatayin talaga kita HA!” pilit itong kumakawala sa yakap ng kanilang tiyuhin. Alas onse ng hatinggabi. Buhay na buhay ang kanilang mga kapitbahay sa looban. Nakatutok sa soap opera ng tunay nilang buhay. Aburido ito. Mana sa kanilang tatay na kada kilos, sumisigaw, nanunumbat, nagmamalaki, isang obserbasyon ni Gege noong maliit pa lamang sila. 

            SI KAYKAY, ang kanilang bunso. Bungal ang apat na ngipin nito sa harapan. Kakatapos lang ng Senior Highschool. Kada kikilos ng gawaing bahay, nanunumbat. Naruon ito ngayon sa tindahan, nagti-tiktokparang sinasaniban ng tikbalang sa pagkendengmanhid sa tuluyang pag-okupa ng nangingitim na baha sa kanilang bahay. Sa lahat ng Entrance Exam ng iba’t ibang unibersidad, wala itong naipasa ni isa. Nagpabili ng ukulele sa kanyang ate. Kumakanta-kanta, tumutugtog-tugtog na lamang sa saliw ng dispanghiladong boses para ilabas ang sama ng loob imbes na gumawa ng paraan para makahanap ng scholarship o di kaya’y kahit eskuwelahang tatanggap sa kanya. Insecure ito sa sinundang kapatid dahil nagtapos si Gege ng Magna Cum Laude habang pinagsasabay ang pagse-service crew. 

            Salungat sa sipag at tatag ng loob na bunga ng kanyang pagpupursigeng makaraos sa buhay, walang nakuha ni isang ugali ng pagpapakasakit at pagpapakatatag ang dalawang kapatid ni Gege. Para sa kanila, hindi na magbabago ang kanilang kapalaran. Kaya pangatawanan na lang. Tutal, matalino naman ang panggitna. Wala sa diksyunaryo nila ang salitang “paghahanap ng paraan,” lagi’t lagi nilang idinadahilan ang kahirapan sa kanilang mga kasawian. Pero kung tutuusin, pinipili lang nila talagang maging “mangmang” kaysa paghirapang makamit ang mga gusto nila sa buhay. Pero hindi niya ito isinisi sa kanila. Sa halip, sinusubukan pa rin niyang tulungan ang mga ito na maabot ang kanilang mga nais sa buhay. Nangako naman siya sa kanyang nanay at tatay (na ngayon ay nasa probinsya para alagaan ang kanilang Ingkang na dahilan lamang talaga upang makatakas sa responsibilidad) na tutulong siya sa pagpapa-aral sa dalawa. Nagkataon lang talaga na sunud-sunod ang kamalasan na nangyari sa taong ito dulot ng pandemya. Naunsyami tuloy ang mga pauna niyang plano para sa pamilya. Dahilan kumbakit hindi siya ganuon pinapansin ng mga kapatid. 

            Tatawa-tawa pang tinitingnan ni Kaykay si Gege, sumisilip-silip sa bintana ng tindahan, pinakikiramdaman ang pawisang kapatid na naglilimas ng tubig. Wala pa naman ang nanay nila, kaya hindi siya dapat mag-alala, pakonsuwelo ng bungal na dalaga. Lagpas paa na ang baha. Tunog pa rin ng mga bumabagsak na jolen ang ulan sa yero. Sa kanyang muling pagsilip ay tiyempong nagkatitigan sila ni Gege.  

            “Diyan ka na tumiRA!” 

            Nagkibit-balikat lang bungal at inisip ang shopee delivery na ipinasuyo ng pinsan (na lagi siyang inuuto). Na malamang sa malamang ay stranded na rin sa kung saan. Samantalang si Evangeline naman ay busy sa panunuod ng palabas sa manipis na telebisyong flatscreen kasama ang mga babaeng pinsan. Kibit-balikat si tiya Lidya. Hindi man lang nito kusang pinauwi ang mga pamangkin para agapan ang paglukob ng baha sa kanilang bahay. Sa isang banda, ikinatutuwa pa nito ang paghihirap ni Gege. Hindi na rin sila ganuon ka-close ni Aling Gina, ang nanay nila Gege na siyang asawa ng kapatid ni tiyo Jun, ang asawa niya. Madamot na ito sa pera. Hindi na nagpapautang lalo na’t wala na rin naman si Ernesto. Nang pumutok ang lockdown inunahan na nito si Aling Gina at sinabihan na hindi siya magpapautang. Pero manaka-naka, nagbibigay ito ng mga tira-tirang ulam sa gabi buhat sa mga sobra’t malapit nang bumula na paninda. Mahilig ito sa mga tsismis. Wala rin kasing libangan sa looban kundi ang pakikialam sa buhay ng may buhay. Ang pinakamalalang ugali nito: mainggitin. 

            Bait-baitan kapag nakapagbibigay si Gege ng pera o kung anong regalo mula sa trabaho. Pero ngayon, ni ha ni ho, wala itong kibo. Hindi na kasi nakakapag-abot si Gege. Kalat na rin ang mga usapan sa looban na buntis siya sa kanyang boyfriend. Ang promotor ng tsismis ay ang mismong mga kapatid ni Gege. Na pinatos naman ni Tiya Lidya. Walang limitasyon ang lohika ng tsimis sa looban. Kahit pinaka absurdong balita, pinaniniwalaan, pinalalaganap. Mas mabilis pa sa pagkalat ng Covid. 

            Tuwing nasa tindahan ang mga ito, sinusulsulan sila ni Tiya Lidya na lalong nagpapagatong sa tensiyon ng mga magkakapatid. Duming-dumi ang tingin nila kay Gege. Virgin kasi sila, iyon ang sukatan nila ng pagiging malinis. Virgin-virginan.  Batid iyon ni Gege pero wala siyang pakialam. Kaya niyang dalhin ang sarili niya anuman ang mangyari, hindi siya sarado mag-isip. 

            Bata pa lang siya, alam na niya ang ugali ng tiyahin niya. Nakararamdam ito ng ginhawa sa tuwing nababatid na mas mahirap ang buhay nila kaysa sa mga pinsan. Lalo na, nang maghiwalay ang kanilang mga magulang. Ginagamit rin nito silang mga magkakapatid kapalit ng kapirasong ulam o di kaya’y pambaon. Magpapamasahe, isasamang mamili sa palengke’t pagbubuhatin ng mga pinamili at iba pa. Habang pangiti-ngiti sa paglalakad na parang penguin sa sobrang lapad. 

            NUON IYON, hindi na ngayon. Usal ni Gege sa sarili habang naglilimas ng baha. Maalungahit na ang samyo ng hangin buhat ng maruming tubig. Putik-putik na’t nangingitim ang kanyang mga paa. Natilamsikan siya ng tubig baha ng mga batang nagsi-swimming sa libreng pool sa labasan pero di niya iyon alintana. Panay ang salok niya sa palanggana ng nangingitim na tubig at ibinubuhos ito sa labasan. Hintayin lang nila ang pagdating ni Nanay, makikita nila. Nang mapansin niyang hindi rin naman bumababa ang baha. Nagpahinga na lang muna siya. Sayang lang ang pagod. Hihintayin na lamang niyang tumigil ang ulan. Barado na naman ang kanal. Nakisuyo siya sa mga batang nagsi-swimming na tusuk-tusukin ito. Nuong nagkaruon ng tila ipo-ipong porma ang tubig na hinihigop ng imburnal, pinatigil niya ang mga ito’t binigyan ng tig-limang piso. 

            Balik sa paglangoy ang mga hubo’t hubad na bata. Inisip niya ang mga nanay nito na hindi man lang binawalan ang anak na maligo sa ulan. Lalo na’t mahigpit pa rin ang seguridad sa kanilang baranggay kahit na ibinaba na lamang sa GCQ (General Community Quarantine) ang kanilang lungsod. Apektado pati kanyang trabaho. Tatlong araw lang sa isang linggo ang pasok niya. Lahat, online class. Napilitan siyang kumuha ng laptop na inalok ng paaralan na pinagtuturuan niya. Ikakaltas sa sahod ang bayad kada buwan. Idagdag pa ang broadband na kailangan laging may load kung sakaling magka-update. Nakatakda ring ipadala ang biniling headset ng kanilang paaralan. Soundproof daw ito, kaya humigit kumulang tatlong libo. Kaltas din sa  kanilang sahod. Napakagat-labi na lang siya nang mabasa ito sa kanilang viber.  

            Kakaumpisa niya pa lang sa trabaho, ito na agad ang bumungad sa kanya. Sandamakmak na bayarin at utang para lamang maging isang lehitimong guro. Kung hindi naman magbabayad o susunod ay baka hindi tanggapin. Hindi pa natatapos bayaran ang mga utang ay heto’t inoobliga sila na agarang makapag-adapt sa set-up ng pagtuturo online. Sa tuwing napanghihinaan siya ng loob, iniisip na lamang niya na kapag ka nag-resign siya sa trabaho, mas malaki ang babayaran niya. Kasama kasi sa kontrata ng pinasukan niyang pribadong paaralan na dapat ay mayruong minimum na tatlong taon bago payagang makapag-resign ang isang emplyado. Kung hindi ito masusunod, pagbabayarin sila ng kaukulang danyos. Mas nakaka-stress iyon. 

Barado na ulit ang imburnal. Tinitigan niya ang rumaragasang maburak na tubig sa kanilang labasan. Ayaw na muna niyang  abalahin ang sarili kung paano mababayaran ang lumobong bill ng kuryente, kung paanong aaluhin ang sarili sa ka-indipirensiyahan ng mga kapatid, sa takot sa Covid, sa kapalpakan ng gobyerno, sa mga pangamba kung paano mabubuhay sa bagong normal. Ayaw na muna niyang mag-isip. Munting ilog ang looban. Itim na ilog na tumatangay sa iba’t ibang basurang nagkalat sa gasgas na bituka nito: balat ng chichirya, lumang tsinelas, diaper ng bata, patay na daga, lumang toothbrush, bao ng niyog, burak, kahoy, dumi ng hayop, pugot na laruan, dura, plema, buto ng mga hayop, burak, burak, burak, maging mga naudlot pangarap ng mga naninirahan sa looban. Walang itinira ang rumaragasang baha.

           Habang tulala niyang pinagmamasdan ang ulan, naalala niya ang isang nabasang maikling kuwento na isinulat ng isang Carmen Naranjo patungkol sa isang bansang literal na ibinenta ang kanilang “ulan”. Ultimo hangin ay binuwisan ng kanilang presidente dahil sa pagkabaon ng buong bansa sa utang. Ganito ka desperado ang isang gobyerno para lamang sa preserbasyon ng kanilang mga interes; imahe. Kalaunan, hindi rin nito naisalba/isinalba ang mga mamamayan nito. 

Nag-uumpisa nang makaramdam ng ngalay ang kanyang mga binti at braso. Walang senyales nang pagbagal ang mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na virus sa bansa. Ni hindi na rin niya mapanuod ang paborito niyang channel sa telebisyon dahil tinanggalan ito ng prangkisa ng pamahalaan sa panahon pa mismo ng pandemya. Pansamantalang sumagi sa isip niya ang ilang libong manggagawa na mawawalan ng hanapbuhay. Umiiling-iling siya. Ayaw na niyang manuod ng balita.

            UNTI-UNTI, humuhupa na ang ulan. Paambon-ambon na lang. Tinanggal niya ang nakapasak na kahoy sa butas ng sementadong mumunting bakod. Hinihigop na nito ang tubig. Kakahinga pa lamang niya ng maluwag nang mag-ring ang kanyang selpon. Kinuha niya ito mula sa kaliwang bulsa. May notification sa viber. Mula sa coordinator nila: 

            Gud afternoon teachers! Remind ko lang yung presentation natin tom. Formal attire po tau. Ms. Samiha will monitor us. Stay safe and please acknowledge. Have a blessed rainy afternoon! Hehe <3 (Nakalakip sa mensahe ang selfie ng kanyang coordinator, nakahawak sa mug ng kape, nasa background ang bumubuhos na ulan sa magarang bintana ng gurong halos tatlo na ang baba; nakangisi).

            Nag-heart react siya. Nagtipa ng tugon: 

            Noted po ma’am, Godbless :) 

***


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12