maaari
nating umpisahan
ang lahat sa
pinakamaliliit na
bagay.
halimbawa:
sa payak na pag-unawa
na may kanya-kanyang
krus na pasan,
ang bawat taong
makakasalamuha sa
daan.
hindi ito madali,
ngunit dito lamang
natin mauunawaan ang
esensiyal na sikreto;
pagdamay.
simulain
i.
hindi madaling
manatili, bumalik
sa ubod ng sarili.
lalo na, kapag
kay layo na
ng mga paa sa
pinagsibulang ugat.
ii.
sa likod ng bawat
tagumpay,
taimtim na
naghihintay ang
pinanggalingan;
tanawin
mo ako.
wakas
kambal ng bawat simula,
ang sariling hangganan.
tulad ng panibagong
taon:
pagbubukas ng mga
posibilidad
na iglap ding
naglalaho,
kagaya ng mga naudlot
na pangako sa sarili.
nananahan ang
kaligtasan
sa pagwawakas ng
paglimot; pag-alala.
dahil kailanma'y di
papanig
sa’tin ang panahon,
kung wala tayong ni
isang natutunan,
sa kasaysayan ng sariling
nakaraan.
alpas
imahinaryo lamang
ang linyang namamagitan
sa simpatya’t
pakikisangkot.
sa pagputol dito,
umiigpaw tayo,
umaalpas sa nakaugaliang
akto ng pakikialam.
bayanihang hindi
nakaasa,
sa dami ng balidasyon
sa birtuwal na espasyo
o
sariling interes.
bagkus likas,
tapat, walang kondisyon
tunay lamang ang ligaya
kapag naibabahagi.
---
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11, (www.sba.ph. )



