Ayun, hindi akma ang kasiyahan sa kalagayan ko ngayon. Imbes na sabihing "masaya" mas angkop ang salitang "panatag" . Panatag ako ngayon sa itinatakbo ng landas na binabagtas ko. Isang treng umuusad pasulong. Sapat na sa'king mayroon ako ngayong ilang kaibigang nakakaagapay. Mga nakilala sa panahon ng mga pamamaalam. Lalo na, ang aking kasintahan/minamahal na lagi't laging ipinaparamdam sa'kin kung gaano pa karaming posibilidad ang naghihintay sa akin. Siya ang aking himala. Ang kaisa-isang hirayang mayroon ako na sapat na upang magpatuloy ako, upang mahalin ko datap'wat ng lahat, ang buhay. At iyon, mas lalo akong nagkakaroon ng pagsasara ng mga naputol na ugnayan (closure) sa sarili, maging sa mga dating kaibigang hindi na naman dapat pa paglaanan ng galit ni sisi. Kay rami nang nangyari para pagtuunan pa ng pansin ang mga bagay na tapos na. Kamakailan nga'y nagkabatian pa kami ng isang (dating kaibigan/hinahangaang) propesor sa Unibersidad. Nu'ng una'y umatake ang takot/hiya, ngunit unti-unti, sa isip-isip ko, wala na naman akong dapat pang ikatakot ni patunayan. Matagal ko na silang napatawad, higit ang sarili. Iyon naman ang pinakamahalaga. Ang muling pag-uumpisa. Sa guho ng sarili.
Bukas. Muli akong tutungtong ng kolehiyo. Sa Unibersidad na di ko akalaing tatanggapin ako't magtitiwala sa'kin. Sa kabila ng mga malalalim kong sugat. Ako'y muling maghuhubad, kagaya ng estatwang Obleng bumubungad sa'kin sa harapan ng Pamantasan. Nais kong sagipin ang aking nakaraang sarili. Gusto kong ibulong sa kanya,
" Kay rami mo pang kayang gawin, kay rami mo pang dadanasin, "
Mahaba pa ang kadiliman ng gabi upang maupos ang kandila ng sarili.
Magpapatuloy ako.
Pagkat hindi pa tapos,
ang aking tula,
ang aking buhay.
\
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento