Martes, Oktubre 8, 2019

Ilang Tala Ng Mga Panibagong Apuhap

Ikawalo ng Oktubre. Sala-salabat sa isip ko ang napakaraming bagay : midterms sa kas 1 bukas( ni hindi pa ako makapag-umpisang gumawa ng reviewer,  reporting para sa fil 50 patungkol sa epiko, mga kritikal na papel at maikling kuwentong ipapasa na sa isang araw na hindi ko pa rin mabigyan ng wakas. Lahat yun, hindi ko pa nagagawa. Paano'y nariyan na naman ang mga multo ng sarili. Tinamaan na naman ako ng elyanasyon. O marahil ng trauma kaya. Napurnada ang dapat sanang paglalatag ko ng libro sa isang event ng sinasalihang organisasyon dahil sa hindi pagpunta sa oras na pinagkasunduan ng kaibigang kaklase ( halos tatlong oras niya kong pinaghintay ). Nawala tuloy ang gana ko. At kagaya ng dati, pinalala sa isip  ang mga senaryong hindi naman nangyari. Na baka marahil galit na sa akin ang mga tao, na nakakahiya nang humabol pa dahil wala na kaming magagawa para makatulong. Tinatanong sa sarili kumbakit pa ba sinubukang makibagay muli. Kabalintunaan ang pakikipagsalamuha. Lalo na't baka palalain ko na naman ang sitwasyon. Na baka kagaya ng dati'y lumikha na naman ako ng mga demonyo ng sarili, ng mga kaibigang kalauna'y magiging kaaway. Natatakot ako sa kung anong maaaring mangyari sa akin. Kubkob ang sarili ng mga buntong-hininga't apuhap sa mga tagpong di ko na nais pang maranasan:  iwanan ng mga taong pina[ha]halagahan sa buhay.

Paglisan. Napakalapit sa akin ng pamamaalam. Hindi ko alam kumbakit lagi na lang akong napag-iiwanan. O di kaya'y nililisan. Kamakailan lamang, nilisan na ako ni Nanay. Inaamin kong hindi pa rin ako ganu'n nakakabangon sa nangyari. Ngunit unti-unti kong tinutulungan ang sariling unawain ang mga katotohanan ng buhay. Kahit kay hirap pa ring tanggapin na wala na siya. Walang lunas ang sakit ng pag-alis. Hindi ko pa rin magawang isulat siya. Kumikirot pa rin ang aking alaala nang gabing iyon. Sa akin ang kahinaan. Kung ganuon lamang kadaling ibukas ang mga bagay sa kaibuturan ng iyong kabuuan. Sa kaso ko'y hindi lamang mahirap ngunit kumplikado rin. Kay rami ko pang dapat ayusin sa aking sarili. Iyon lamang ang tiyak. At isa pa : mabilis ang buhay. 

Bukas ano'ng aking malay sa mga maaaring maganap? 

Balang-araw nay, balang araw. 

Ang kailangan ko lamang ay panahon. 

Hindi ko alam kung dapat bang ipagbunyi, ngunit mapalad akong nanalo sa isang patimpalak ng tula sa aming pamantasan. Nasungkit ko ang "ikalawang gantimpala". Pagyakap sa buhay at pagbubunyi sa pag-iral ang tema ng patimpalak. Sa kasamaang palad, hindi ko pa rin nakukuha ang karampatang premyo dahil ihahabol na lamang daw iyon ng mga pasimuno ng contest. Hindi ko rin akalaing mananalo iyon. Ikinatuwa ng aking Ina ng sabihin ko sa kanya. Hindi na masama, sa isip-isip ko, para isang ika nga'y pagsisimula. 

Si Mama, nitong mga nakaraan o siguro'y napansin ko lamang nitong huli na, ibang-iba na siya buhat nuon. Marahil siguro'y malaking aspeto rin ang mga pinagdaanan naming dal'wa. Lalo na nuong panahon ng aking "karebeldehan". Dati rati'y hindi naman niya ako sinasabihan ng mga matatamis na salita o ewan ko kung paano ikakategorya, salitang nag-iimplikang mahal ka at mahalaga ka sa kanya. Namimiss daw siguro ako, sabi ng aking kasintahan. Oo, isang bagay iyon dahil hindi na ako nakatira sa kanila. Kay tagal ko ring hinintay iyon, ang sabihin niyang naniniwala siya sa kakayahan ko, at lagi kong pagbutihan, kahit hindi ko na sila kasama ng aking bunsong kapatid. Lahat naman ng ginagawa ko,  sa unang tingi'y para lamang sa aking sarili ngunit hindi. Ang lahat ng ito'y para rin sa kaniya. Kaya't lubha ang aking pag-aalala nang mabasa sa isa niyang post sa facebook ang diagnosis sa kanya ng doktor. Bilateral Knee. Jargon pa sa'kin ang termino. Ngunit kung hindi raw maagapa'y maaari siyang putulan ng mga tuhod. Kagagaling pa lamang sa dal'wang magkasunod na sakit ng aking bunsong kapatid, na kay laki na'ng ipinayat at heto't sasalubong sa akin ang ganitong balita. 

Pigil-pigil ko ang namumuong luha sa jeep. Habang binabagtas ang biyahe papuntang UP. Nagreply na si mama sa mahaba kong mensahe. Mag-usap na lamang daw kami pagdalaw ko. Isinaksak ko sa aking magkabilang tenga ang mumurahing earphones. Sinadya kong patugtugin ang Umaaraw Umuulan ng Rivermaya. Shinuffle ang kanta. Sumunod ang Let it Be nila Lennon. Wala pang unos, paulit-ulit ang paalala ng kasintahan.  "Narito ako," parang nauulinigan ko ang mga salita ni Joan habang hawak-hawak ang aking kamay. Hindi pa ako handang isuko ang lahat  sa biro ng tadhana, at muli na namang mapako sa mga kalungkutan ng buhay. Parang hindi ko na ata kakakayanin ang ganuong pagpapaubaya. Bigat ito ng pag-iral ; problema, pagdurusa (pisikal man o mental), kahirapan, kawalang laban. Ngunit, ito rin ang esenya.

Ang pag-igpaw mula sa lahat ng [bigat na] ito. Tungo sa kung saang lugar na di man malayo sa mga paghihirap ay di hamak na mas kapana-panatag ang umiral.

Tinititigan ako ng bata sa katapat ng inuupuang sasakyan, kalong-kalong siya ng kanyang Ina. Siya lamang, sa lahat ng taong naruon ang nakatanghod sa akin. Tila ba nagtatanong ang kanyang mga mata. Marahil batid niya'ng lahat. Nanatili siyang nakatanghod sa akin. Pinunasan ko ng panyo ang gilid ng aking mga mata't ngumiti sa kanya. Ngiti rin ang kanyang isinukli. Pagkatapos ay nilingon ko ang mga gusali't taong lumalapit-lumalayo sa bintana ng umaandar na sasakyan. Hanggang mapako ang paningin sa bughaw na kalangitan, hinahanap sa kung saan ang mailap na himalang nagtatago sa likod ng mga abuhing ulap na walang pangalan.

Narito [pa] ako. Buhay, [pa] ako, bulong ko sa sarili.

Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Simula

Unang araw ng Agosto. 2019. Kay tagal na rin pala nu'ng huli akong nagpaskil dito. Kung sakali mang me nagbabasa/naligaw dito hinahanap ako ( maliban sa'king sarili ). Heto ako, buhay. Pakiramdam ko'y obligado akong magparamdam. Paano'y paulit-ulit kong inuudlot ang pagsusulat. Sa kahit na anong pagkakataong dadapuan ako ng pangangati ng kamay. Maliban sa mga ilang bugso ng pagkakataon. Hindi ko alam, marahil ay dulot ito ng trauma o ng kung anong takot buhat ng nakaraan. O higit, ng sariling pagdududa. Lagi namang ganuon. Pero sa puntong ito, namumungaw ako sa mga ganitong akto nang paglikha ; talaraawan. Pagninilay. Pakikipag-usap, sa sarili. Kumusta na? Ano na bang balita?

Ayun, hindi akma ang kasiyahan sa kalagayan ko ngayon. Imbes na sabihing "masaya" mas angkop ang salitang "panatag" . Panatag ako ngayon sa itinatakbo ng landas na binabagtas ko. Isang treng umuusad pasulong. Sapat na sa'king mayroon ako ngayong ilang kaibigang nakakaagapay. Mga nakilala sa panahon ng mga pamamaalam. Lalo na, ang aking kasintahan/minamahal na lagi't laging ipinaparamdam sa'kin kung gaano pa karaming posibilidad ang naghihintay sa akin. Siya ang aking himala. Ang kaisa-isang hirayang mayroon ako na sapat na upang magpatuloy ako, upang mahalin ko datap'wat ng lahat, ang buhay. At iyon, mas lalo akong nagkakaroon ng pagsasara ng mga naputol na ugnayan (closure) sa sarili, maging sa mga dating kaibigang hindi na naman dapat pa paglaanan ng galit ni sisi. Kay rami nang nangyari para pagtuunan pa ng pansin ang mga bagay na tapos na. Kamakailan nga'y nagkabatian pa kami ng isang (dating kaibigan/hinahangaang) propesor sa Unibersidad. Nu'ng una'y umatake ang takot/hiya, ngunit unti-unti, sa isip-isip ko, wala na naman akong dapat pang ikatakot ni patunayan. Matagal ko na silang napatawad, higit ang sarili. Iyon naman ang pinakamahalaga. Ang muling pag-uumpisa. Sa guho ng sarili.

Bukas. Muli akong tutungtong ng kolehiyo. Sa Unibersidad na di ko akalaing tatanggapin ako't magtitiwala sa'kin. Sa kabila ng mga malalalim kong sugat. Ako'y muling maghuhubad, kagaya ng estatwang Obleng bumubungad sa'kin sa harapan ng Pamantasan. Nais kong sagipin ang aking nakaraang sarili. Gusto kong ibulong sa kanya, 

" Kay rami mo pang kayang gawin, kay rami mo pang dadanasin, " 

Mahaba pa ang kadiliman ng gabi upang maupos ang kandila ng sarili.

Magpapatuloy ako.

Pagkat hindi pa tapos,

ang aking tula,

ang aking buhay. 


\

Miyerkules, Enero 16, 2019

Ilang Tala Habang Kasama Kang Naglalakad Pauwi

Oktubre 23, 2018

Iyong "dagitab", hindi pala [laging] totoo 'yon. Ibig sabihi'y hindi laging ganuon ang implikasyon kapag ka naramdaman mo na. Ibang usapin pa kapag lingid pa sa iyong malay ang iyong nararamdaman. Sinasakmal ka na'y hindi mo pa alam. Marahil, ang katotohanan nga'y nangyayari lamang sa isang relatibong espasyo't panahon, wika ng isang dalubguro. Kasi, hindi mo talaga mapapansin. Kadalasan. Walang paru-paro sa tiyan. Walang mga  dagang nagsasalimbayan sa dibdib. Darating ito sa'yo sa mga panahong di ka nakapaghanda. Isang normal na araw. Kagaya nang mga dumaraang rutinang araw sa iyong buhay. Halimbawa: ang una niyong pagtatagpo. ang unang pagpapalitan ng tingin sa isa't isa. nangangapa. nangingilala. dal'wang estrangherong kapwa may sugat, lamat at bakas ng nakalipas.

Kay raming manunulat/makata na'ng nagtangka. Ngunit bigo pa rin silang maikahon ito sa isang depinidong kahulugan. Taksil ang salita. "Hindi ko kayang sabihin ang lahat-lahat." wika ni Lacan. Kaya sino ako para bigyan ito ng depinisyon. Pero hindi mo rin pala talaga masasabi. Mas malapit ang pakiramdam kapag papauwi ka na ng iyong tahanan, lalo, pag  nasa iyong tahanan ka na't marahan mong hinuhubad ang iyong medyas sa paa. Walang kaba. Walang apuhap sa dibdib. Walang pagmamadali. Kundi kapanatagan. Pawang kapanatagan. Isa itong rebelasyon, milagrong araw-araw na nangyayari ngunit wala man lamang nakakapuna. Kakatwa.

Lango ang lahat sa ideya  ng katiyakan, kasiguraduhan. Pagkat sino ba'ng hindi nais maging maligaya hanggang sa pinakahuli? Ngunit ang sagot ay wala sa nauna ngunit sa kabilagtaran nito. Sa walang katiyakan. Duon at duon lamang natin tunay na masusubukan, malalaman ang kakayahan  ng sariling tumaya, manalig. Pagkat ang pag-ibig ay di lamang usapin ng pagmamahal, bagkus, ng pananampalataya. Ang pagkapit sa isang bagay higit pa sa sarili. Isang  pagpapatiwakal ng kabuuan at pagpapaubaya sa kamatayan [ hindi sa buhay]. Walang umiibig ang namamatay nang hindi maligaya.

Ngunit hindi ko pa rin talaga alam. Sa kabila nuon, marahil kahapon o kanina, habang matama kitang tinititigan, sa iyong paglalakad, sa iyong kakatwang halakhak, higit sa iyong mga mata, mayroon akong isang bagay na nabatid sa sarili. Na mayroon pa palang bagay na nakakahigit sa pagmamahal: 
ang pagmamahal, muli.