Martes, Oktubre 8, 2019

Ilang Tala Ng Mga Panibagong Apuhap

Ikawalo ng Oktubre. Sala-salabat sa isip ko ang napakaraming bagay : midterms sa kas 1 bukas( ni hindi pa ako makapag-umpisang gumawa ng reviewer,  reporting para sa fil 50 patungkol sa epiko, mga kritikal na papel at maikling kuwentong ipapasa na sa isang araw na hindi ko pa rin mabigyan ng wakas. Lahat yun, hindi ko pa nagagawa. Paano'y nariyan na naman ang mga multo ng sarili. Tinamaan na naman ako ng elyanasyon. O marahil ng trauma kaya. Napurnada ang dapat sanang paglalatag ko ng libro sa isang event ng sinasalihang organisasyon dahil sa hindi pagpunta sa oras na pinagkasunduan ng kaibigang kaklase ( halos tatlong oras niya kong pinaghintay ). Nawala tuloy ang gana ko. At kagaya ng dati, pinalala sa isip  ang mga senaryong hindi naman nangyari. Na baka marahil galit na sa akin ang mga tao, na nakakahiya nang humabol pa dahil wala na kaming magagawa para makatulong. Tinatanong sa sarili kumbakit pa ba sinubukang makibagay muli. Kabalintunaan ang pakikipagsalamuha. Lalo na't baka palalain ko na naman ang sitwasyon. Na baka kagaya ng dati'y lumikha na naman ako ng mga demonyo ng sarili, ng mga kaibigang kalauna'y magiging kaaway. Natatakot ako sa kung anong maaaring mangyari sa akin. Kubkob ang sarili ng mga buntong-hininga't apuhap sa mga tagpong di ko na nais pang maranasan:  iwanan ng mga taong pina[ha]halagahan sa buhay.

Paglisan. Napakalapit sa akin ng pamamaalam. Hindi ko alam kumbakit lagi na lang akong napag-iiwanan. O di kaya'y nililisan. Kamakailan lamang, nilisan na ako ni Nanay. Inaamin kong hindi pa rin ako ganu'n nakakabangon sa nangyari. Ngunit unti-unti kong tinutulungan ang sariling unawain ang mga katotohanan ng buhay. Kahit kay hirap pa ring tanggapin na wala na siya. Walang lunas ang sakit ng pag-alis. Hindi ko pa rin magawang isulat siya. Kumikirot pa rin ang aking alaala nang gabing iyon. Sa akin ang kahinaan. Kung ganuon lamang kadaling ibukas ang mga bagay sa kaibuturan ng iyong kabuuan. Sa kaso ko'y hindi lamang mahirap ngunit kumplikado rin. Kay rami ko pang dapat ayusin sa aking sarili. Iyon lamang ang tiyak. At isa pa : mabilis ang buhay. 

Bukas ano'ng aking malay sa mga maaaring maganap? 

Balang-araw nay, balang araw. 

Ang kailangan ko lamang ay panahon. 

Hindi ko alam kung dapat bang ipagbunyi, ngunit mapalad akong nanalo sa isang patimpalak ng tula sa aming pamantasan. Nasungkit ko ang "ikalawang gantimpala". Pagyakap sa buhay at pagbubunyi sa pag-iral ang tema ng patimpalak. Sa kasamaang palad, hindi ko pa rin nakukuha ang karampatang premyo dahil ihahabol na lamang daw iyon ng mga pasimuno ng contest. Hindi ko rin akalaing mananalo iyon. Ikinatuwa ng aking Ina ng sabihin ko sa kanya. Hindi na masama, sa isip-isip ko, para isang ika nga'y pagsisimula. 

Si Mama, nitong mga nakaraan o siguro'y napansin ko lamang nitong huli na, ibang-iba na siya buhat nuon. Marahil siguro'y malaking aspeto rin ang mga pinagdaanan naming dal'wa. Lalo na nuong panahon ng aking "karebeldehan". Dati rati'y hindi naman niya ako sinasabihan ng mga matatamis na salita o ewan ko kung paano ikakategorya, salitang nag-iimplikang mahal ka at mahalaga ka sa kanya. Namimiss daw siguro ako, sabi ng aking kasintahan. Oo, isang bagay iyon dahil hindi na ako nakatira sa kanila. Kay tagal ko ring hinintay iyon, ang sabihin niyang naniniwala siya sa kakayahan ko, at lagi kong pagbutihan, kahit hindi ko na sila kasama ng aking bunsong kapatid. Lahat naman ng ginagawa ko,  sa unang tingi'y para lamang sa aking sarili ngunit hindi. Ang lahat ng ito'y para rin sa kaniya. Kaya't lubha ang aking pag-aalala nang mabasa sa isa niyang post sa facebook ang diagnosis sa kanya ng doktor. Bilateral Knee. Jargon pa sa'kin ang termino. Ngunit kung hindi raw maagapa'y maaari siyang putulan ng mga tuhod. Kagagaling pa lamang sa dal'wang magkasunod na sakit ng aking bunsong kapatid, na kay laki na'ng ipinayat at heto't sasalubong sa akin ang ganitong balita. 

Pigil-pigil ko ang namumuong luha sa jeep. Habang binabagtas ang biyahe papuntang UP. Nagreply na si mama sa mahaba kong mensahe. Mag-usap na lamang daw kami pagdalaw ko. Isinaksak ko sa aking magkabilang tenga ang mumurahing earphones. Sinadya kong patugtugin ang Umaaraw Umuulan ng Rivermaya. Shinuffle ang kanta. Sumunod ang Let it Be nila Lennon. Wala pang unos, paulit-ulit ang paalala ng kasintahan.  "Narito ako," parang nauulinigan ko ang mga salita ni Joan habang hawak-hawak ang aking kamay. Hindi pa ako handang isuko ang lahat  sa biro ng tadhana, at muli na namang mapako sa mga kalungkutan ng buhay. Parang hindi ko na ata kakakayanin ang ganuong pagpapaubaya. Bigat ito ng pag-iral ; problema, pagdurusa (pisikal man o mental), kahirapan, kawalang laban. Ngunit, ito rin ang esenya.

Ang pag-igpaw mula sa lahat ng [bigat na] ito. Tungo sa kung saang lugar na di man malayo sa mga paghihirap ay di hamak na mas kapana-panatag ang umiral.

Tinititigan ako ng bata sa katapat ng inuupuang sasakyan, kalong-kalong siya ng kanyang Ina. Siya lamang, sa lahat ng taong naruon ang nakatanghod sa akin. Tila ba nagtatanong ang kanyang mga mata. Marahil batid niya'ng lahat. Nanatili siyang nakatanghod sa akin. Pinunasan ko ng panyo ang gilid ng aking mga mata't ngumiti sa kanya. Ngiti rin ang kanyang isinukli. Pagkatapos ay nilingon ko ang mga gusali't taong lumalapit-lumalayo sa bintana ng umaandar na sasakyan. Hanggang mapako ang paningin sa bughaw na kalangitan, hinahanap sa kung saan ang mailap na himalang nagtatago sa likod ng mga abuhing ulap na walang pangalan.

Narito [pa] ako. Buhay, [pa] ako, bulong ko sa sarili.