Iyong "dagitab", hindi pala [laging] totoo 'yon. Ibig sabihi'y hindi laging ganuon ang implikasyon kapag ka naramdaman mo na. Ibang usapin pa kapag lingid pa sa iyong malay ang iyong nararamdaman. Sinasakmal ka na'y hindi mo pa alam. Marahil, ang katotohanan nga'y nangyayari lamang sa isang relatibong espasyo't panahon, wika ng isang dalubguro. Kasi, hindi mo talaga mapapansin. Kadalasan. Walang paru-paro sa tiyan. Walang mga dagang nagsasalimbayan sa dibdib. Darating ito sa'yo sa mga panahong di ka nakapaghanda. Isang normal na araw. Kagaya nang mga dumaraang rutinang araw sa iyong buhay. Halimbawa: ang una niyong pagtatagpo. ang unang pagpapalitan ng tingin sa isa't isa. nangangapa. nangingilala. dal'wang estrangherong kapwa may sugat, lamat at bakas ng nakalipas.
Kay raming manunulat/makata na'ng nagtangka. Ngunit bigo pa rin silang maikahon ito sa isang depinidong kahulugan. Taksil ang salita. "Hindi ko kayang sabihin ang lahat-lahat." wika ni Lacan. Kaya sino ako para bigyan ito ng depinisyon. Pero hindi mo rin pala talaga masasabi. Mas malapit ang pakiramdam kapag papauwi ka na ng iyong tahanan, lalo, pag nasa iyong tahanan ka na't marahan mong hinuhubad ang iyong medyas sa paa. Walang kaba. Walang apuhap sa dibdib. Walang pagmamadali. Kundi kapanatagan. Pawang kapanatagan. Isa itong rebelasyon, milagrong araw-araw na nangyayari ngunit wala man lamang nakakapuna. Kakatwa.
Lango ang lahat sa ideya ng katiyakan, kasiguraduhan. Pagkat sino ba'ng hindi nais maging maligaya hanggang sa pinakahuli? Ngunit ang sagot ay wala sa nauna ngunit sa kabilagtaran nito. Sa walang katiyakan. Duon at duon lamang natin tunay na masusubukan, malalaman ang kakayahan ng sariling tumaya, manalig. Pagkat ang pag-ibig ay di lamang usapin ng pagmamahal, bagkus, ng pananampalataya. Ang pagkapit sa isang bagay higit pa sa sarili. Isang pagpapatiwakal ng kabuuan at pagpapaubaya sa kamatayan [ hindi sa buhay]. Walang umiibig ang namamatay nang hindi maligaya.
Ngunit hindi ko pa rin talaga alam. Sa kabila nuon, marahil kahapon o kanina, habang matama kitang tinititigan, sa iyong paglalakad, sa iyong kakatwang halakhak, higit sa iyong mga mata, mayroon akong isang bagay na nabatid sa sarili. Na mayroon pa palang bagay na nakakahigit sa pagmamahal:
ang pagmamahal, muli.
