Huwebes, Setyembre 27, 2018

Signos

Ilang araw na lamang ang nalalabi. Oktubre na. Heto't buhay ka(pa rin). Pero alam mo sa iyong sarili na hindi pa rito natatapos ang lahat. Halos tatlong buwan ka na sa trabahong araw-araw mong hinahanapan ng dahilan upang gustuhin, at huwag masyadong isipin ang mga negasyong hindi kailanman papabor sa iyo. Pero nitong mga nagdaang araw, ipinapakita ng mga pangitain ang katotohanan na hinding-hindi mo ito maaaring iwasan. Kinontak ko na si B, kung sakali, masusubukan mo ang sarili, muli. Ang takot ay nasa isip lamang, sabi ni Coritha. Ayoko nang lumayo. Ayoko nang maulit ang lahat. Nais kong halukayin lahat ng mga posibleng paraan at posibilidad para sa aking sarili't sa hinaharap na aking binubuo, ang kasalukuyan. Maligaya ako. Mayroon akong mga kaibigang totoo. At higit, naririyan ka. Alam kong pansamantala lamang ito. Kaya't habang naririto pa'y gusto kong maging muwang ako sa mga nangyayari. Dito papasok ang mga "catch". Naiisip ko kagabi, habang nasa biyahe pauwi't humihiwa sa'king balat ang indiperensyang hangin ng Kamaynilaan, ang eternal na rekurensiya, ang pagkaulit na muli nang mga pangyayaring nangyari na. Hindi ko maiwasang sapupuhin ng lumbay. Ngunit sa kabilang banda'y mayroong pusikit na ningas sa aking sarili ang nagsasabi na "huwag". Pagkat hindi na ikaw ang dating ikaw. Sa ganitong pagkakataon ay handa na tayo sa bagyong ito. Hindi katulad nuon, na natagpuang kang hubad ng mapaglarong tadhana. Sa pagkakataong ito'y mayroon kang armas, bitbit-bitbit mo, ang mga sugat at bakas ng nakalipas sa'yong katawan na nag-iimplika ng karanasan; ang iyong sarili. Kay rami na nating pinagdaanan para lamang huminto dito't sumuko. Lalo na ngayon. Lalo na ngayon. Hinahangaan ko ang iyong katatagan. At ang iyong walang sawang pagtitiwala sa buhay. Lagi't lagi mong paalalahanan ang sarili na kailanma'y hindi tayo mawawala nang hindi man lamang makapagbibigay ng magandang laban. Mabubuhay at mabubuhay tayo. Anu't anuman. Ang kabiguan, ika nga ni Jodorowsky, ay pagpapalit lamang ng landas.

p.s. isipin mo siya, at maniwala ka sa mga himalang ipinapakita ng kanyang mata; pag-ibig.

Sabado, Enero 27, 2018