Biyernes, Nobyembre 17, 2017

Muli

Hayaang rumagasa,
kristal na mga luha;
nagdurugong gunita.

Trangkaso

Kalang may graba ang puwang sa mga mata
Humihinto, umiinog ang lupa 
sa bawat tangkang tumindig.
Baradong lababo ang lalamunan
Alulod sa lumang bahay sa ermita
ang ilong at gripong 'di nahigpitan ang
katawan; manaka-nakang tumatagas.
Nagbababala ng kulimlim ang langit
at duon, nagkukubli sa mga ulap
na tinataboy ng hangin, nakikita kita;
oo.
Nakangiti ka pa rin,
kagaya nuon,
kagaya nuon.
Sa dilim natin natagpuan ang lagablab
Sa dilim din natin ito iiwang umuusok.
At wala, walang nakasaksi, kung
gaano kaningning ang ningas nito sa
ganuong kaikling saglit.

(Oktubre 2017)